IKA-124 TAON NG KAPANGANAKAN NI LAZARO FRANCISCO, GINUNITA!
Cabanatuan City, Nueva Ecija- Magkakasamang ginunita ngayong araw ang ika-124 taon ng kapanganakan ni National Artist for Literature Lazaro Francisco sa kaniyang lumang tahanan sa #982 Kalye Rizal, Barangay Bonifacio, Siyudad ng Cabanatuan, Nueva Ecija sa pamamagitan ng paggawad ng pagkilala sa mga nagwagi sa Ikalawang Gawad Lazaro Francisco na sinimulan ng Samahang Lazaro Francisco (SLF), Cabanatuan City Masonic Lodge No. 53, Lazaro Francisco Cultural Heritage Association, at Museo Lazaro Francisco noong 2020.
Muling hinirang na kampeon ang makatang si Cristobal Alipio (Timos) habang nasungkit naman nina Rossite Ramilo (Banas at iba pang tula) at Jackquilyn Javate (Mga Nakakaalarmang Sintomas na Mataas sa Purok 1) ang Ikalawa at Ikatlong Gantimpala. Karangalang Banggit naman ang naiuwi ni Princess Supnet (Senaryo: Unang Linggo).
Labis ang galak ni Cristobal Alipio na tinanggap ang Plake ng Pagkilala sapagkat ito na ang ikalawang beses na nagkamit siya ng unang puwesto, na kung papalaring muli ay siya ang idedeklarang kauna-unahang Hall of Famer ng sinasabing pinakamataas na patimpalak sa malikhaing pagsulat sa Nueva Ecija sa kasalukuyan.
Sa kategorya naman ng dagli ay muling pinatuyan ni Arlan Camba (Lunod) ang kaniyang kalibre sa maiksihang pagkatha habang nakamit naman nina Ron Ron Santos (Marites) at Arthur Allen Baldevarona (Dagli) ang Ikalawa at Ikatlong Gantimpala. Karangalang Banggit naman ang puwesto nina Athina Bales (Different Worlds ’Ika Nga) at Jakilu Tungol (Kabataan ng Pandemya).
Nag-iwan naman ng mensahe ang kampeong si Camba, “Totoo po, na wala sa pagkapanalo sa anumang “literary contest” ang pagiging dakila; pero ang mapansin ang gawa mo sa panahong ito ng pandemya, kahit papaano ay hinahaplos ang puso ko ng matinding ligaya…! Kaya, tama ang sinabi ng Dakilang Lazaro Francisco, na sa kabila ng nagnanaknak na sakit ng lipunan, ng mundo at ng tao… ‘Maganda Pa (Rin) Ang Daigdig’”!
Pormal namang iginawad ng Order of the Knights of Rizal (OKOR)- Cabanatuan City Chapter ang Posthumous Recognition of the Chapter for Exemplary Contribution to Philippine Literature and Filipino Nationhood sa pangunguna ng kanilang Chapter Commander at Tagapagtatag at Pangulo rin ng SLF na si Sir R.B. Abiva, KCR. Ito ang unang beses na ginawaran ng nasabing kapatirang maka-Rizal si Lazaro mula nang mamatay ito noong 1980. Masaya namang tinanggap ng ikapitong anak ni Lazaro na si dating Propesor Eulogio Francisco ang pagkilala.
Inihayag naman ni Worshipful Master Orlando L. Navallo ng Cabanatuan City Masonic Lodge No. 53 ang kanilang mahigpit at lalo pang palalakasin na pakikipagtulungan sa SLF upang higit na maitampok ang kadakilaan ng nag-iisang Lazaro Francisco.
Nagsilbing hurado naman sina Dr. U Z Eliserio ng Unibersidad ng Pilipinas, Prop. Junior Pacol ng Central Luzon State University, at Sir R.B. Abiva, KCR ng OKOR, LIRA, at PEN.
Naisakatuparan ang nasabing patimpalak dahil na rin tulong ng mga sumusunod: Lazaro Francisco Cultural Heritage Association, Nueva Ecija Youth Action Network (NEYAN), Teachers’ Dignity Coalition, at Sentro ng Wikang Filipino- UP.
Mahigpit namang ipinatupad ang minimum health protocol alinsunod pa rin sa umiiral na mandato sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 kung saan kabilang Nueva Ecija. #SLF-PRUnit
Comments
Post a Comment