Introduksiyon ni Dr. Aurelio Solver Agcaoili ng University of Hawai-i, Manoa
Dangkok At Poetika:
Isang Panimula
ni Dr. Aurelio Solver Agcaoili ng University of Hawai-i, Manoa
Ang sabi ng mga eksperto sa estetika ay mayroon daw pagtatagpo ng dangkok at poetika kung ang isang katha ay tiyak ang kanyang tunguhing maging instrumento ng kolektibong pagbabago.
Ang dangkok, sa mga obrang ito ni R. B. Abiva ay yaong hubad na karahasang may kakayahang gumising sa natutulog na kalamnan, sa walang muwang na isipan, at sa walang pakialam na kaluluwa.
Sistemiko at sistematisado ang dangkok na ito na bagamat naroon ang kairalan sa mga iba-ibang tauhang karamihan ay gumagamit ng alyas—ng ibang katauhan—kinakailangang isakontextualisa ito sa higit na higit na malaking naratibo ng kahilingang walang pakundangang gawing lahat ng mga walang poder na aripuen.
Ang poetika ng obrang ito ay malinaw na isang pag-alipusta sa mga pang-araw-araw na nangyayari sa kural, sa lansangan, sa kalapaw, at sa kung saan abutan ang mga taong walang tinig at mangarap na mayroon pa ring darating na kapayapaan tulad ni John Angelo Bahala na tung tawagin ay Edna Maximo.
Sa isang banda, kahit sabihing nating meron talagang Cordon at Santiago, makikikita natin na piling lunan lang ang mga ito upang ang mga naglalakad na mga patay—mga zombie ng bayan—ay meron malalakaran para ipakita sa atin na ganito ang ginawa natin sa mga ito, na tunay ngang buhay ang kaawa-awang masang walang kakayahan pero ang buhay na iyan ay hindi nagluluwal ng bagong buhay.
Merong sinasabi sa pamimilosopiya ng mga taong elit na kapag magsimula nang mabuhay ang isang tao ay magsisimula na rin daw ang kanyang kamatayan.
Parang ganito ang dangkok na makikita dito sa mga kathang ito—na sadyang sa walang kakuwenta-kuwentang trahedya mauuwi ang anumang pangarap na mabuhay na mag-uli ang pinatay nang kalaman, isip, katawan, kaluluwa, espiritu.
Merong mga iniiwan ang koleksyon ng mga akdang yayanig sa atin: ang simbolismo, halimbawa, ng aripuen.
Sa Ilokanong alam din ng may-akda, adipen ang katumbas nito.
Adipen—alipin.
At aliping tunay.
Aliping walang labis at walang kulang.
At aliping nagpapahiwatig na wala nang posibleng paraan para mawasak ang batayang sanhi nito kundi wasakin ang puno at dulo nito.
Ipapalirip sa atin ang obrang ito ang ilang sintomas ng kabulukan ng gimong—ng lipunan mismo.
Sa kwento ng bigas halimbawa, nariyan ang etikal na paglalagak sa kabulastogang nangyayari sa kanayunan.
Maalala natin kung papaano na ang sistemang ekonomiko na itinatakda ng mga bilyonaryong politikong takot sa diabetes kaya hindi kumakain ng bigas ay patunay ng isang kabulastogan ng isang global na kaayusan ng kapitalismong walang konsyensya.
Maririnig natin dito ang walang salitang pagngingitngit bilang tugon sa hambugerong salita ng mga makapangyarahin, mga salita nila patungkol sa pangangailangan na bawas-bawasan natin ng pagkain ng bigas at dadamihan ang pagkain ng prutas at gulay upang magiging higit na malusog.
Ang ganitong mga walang kwentang salita ang kabaligtaran mismo ng panglipunang kaligtasan.
Ito ang ibig sabihin ng insulto personal—ang di pagbibigay ng pagkilala sa mga nagbubwis ng pawis at lakas at dangal upang mabuhay ng sagana ang mga pinunong walang sawang mga pisting yawa.
Habang pinagkakaitan natin ang mga masang ginawang kaawa-awa ng lipunan mismo—habang ang gawat ay nagiging wika ng masang naniwala sa bahala na—matatagpuan at matatagpuan natin ang lahat ng mga tauhan at pangyayari sa panglipunang dokumentong ito ni R. B. Abiva.
Ang birtud ng librong ito ay ang kanyang kakayahang magsabi ng totoo—ng walang bling-bling na totoo.
Ito ang totoo ng mga taong nangangailangan ng totoong lipunan, ng kolektibong buhay, ng makatarungang pamumuhay.
Hindi ito ang bersyon ng totoo ng mga namumuno at naghaharing uri na buga ng buga ng mga walang kwentang abstraksyon sa kanilang pagkakatha ng mga walang kwentang batas na magpuprotekta sa kanilang mga interes.
Ito ang totoo ng lahat ng mga masang inagawan ng kritikal na pag-iisip at pagpapasya.
Kung ang mambabasa ay naghahanap ng mga walang katuturang dolce sa aklat na ito, sadyang madidismaya siya.
Wala rito ang mala-apyang na pagsasawika ng mga bagay-bagay tungkol sa pang-araw-araw na buhay sa bansa.
Ang meron dito ay ang birtud ng panggugulantang, ng panggigising, at ng pagpapaalala na ang mga pangyayari at mga tauhan dito ay mga pangyayari at tauhan sa bansang sawing ito.
Isang leksyon ang iniiwan ng akdang ito: hindi pwedeng tanggapin na lamang ang kasawiang kolektibo at personal.
Kailangan—kailangang-kailangan—ang estetikong bisyon ng “kapatiran ng bakal at apoy”.
-Honolulu, Hawai-i
Nobyembre 2019
Comments
Post a Comment