INTRODUKSIYON ni Dr. Edberto M. Villegas ng Unibersidad ng Pilipinas- Manila
Ang koleksiyon na tatlumpu’t walong tulang prosang ito ni R.B. Abiva ay puno ng damdaming mapanghimagsik na halo ng isang matinding kalungkutan sa sinapit na kahirapan ng mamamayang Pilipino, na sa kasalukuyan ay masidhing nararanasan nila sa ilalim ni “Santo Rodrigo, ang santo ng mga mangangaso at mamboboso ng tao – na naka-upo’t nagkukuta sa Bahay Pangarap sa loob ng Palasyo”.
Ngunit sa gitna nang sumisiklab na galit ng makata ay naaaninag niya ang pagsapit ng “isang umagang mapula” kung saan magaganap ang “pinakakahintay na traslasyon ng paglaya at ng tagsilbol ng mga walang-wala.”(Traslasyon)
Ang makata ay nagmula sa uring taga-bukid sa Lambak ng Cagayan ay kilalang-kilala ang pagsalpak ng mga dayuhang kolonyalistang Kastila sa kamalayan ng masang Pilipino ng isang relihiyon na nagtuturo sa kanila na tiisin ang mga kahirapan ng buhay, at umasa na lang sa tulong na manggagaling sa langit, sa anyo ng mga himala, upang maligtas sila sa kanilang kalagayan. (Traslasyon)
Pinagkakakitaan ng salapi ng mga hipokritong pari ng simbahang Katolika ang ganitong interpretasyon sa mga turo ni Kristo, silang mga modernong paraseo at eskribano, na malapit sa mga nagsasamantalang uri sa Pilipinas na suportado ng gobyerno at dayuhang monopolyo.
Dahil sa pambubusabos sa kamalayan ng masa ng mga kolonyalistang Kastila na sinasabing ang paghihirap ay banal, ang mga Pilipino ay humaba ang pasensiya sa pang-aapi ng kanilang gobyerno. Ang mga imperyalistang Amerikano naman ay inaaliw ang masa gamit ang dala nitong kulturang konsumerismo at kulturang popular na dumagdag sa pagkalimot ng huli sa kanilang kadukhaan. Malinaw na ipinapakita ang kasalukuyang kalagayan ng masang Pilipino sa mga tulang “Marami Nang Nakalimot”, “Baka Sakali”, “Suwapang” at “Oracio De La Masa” .
Ang karudumal-dumal na kalupitan ng gobyerno ay inihayag ng makata sa mga tulang “Sampung Berso sa Panahon Tokhang”, “Novus Ecce Homo”, at “Sa Huling Termino ng Baliw na Presidente”. Ngunit mahigpit ang paniniwala ng makata na babangon at babangon din ang masa para itakwil ang mga mapang-api. Ito ay kanyang isinaad sa “Oras Na”, “Kapatiran Ng Bakal at Apoy”, “Si Ismael Amado Sa Aking Mesa”, at “Panawagan”, ang huli ay partikular na nakadirekta sa mga progresibong Pilipinong manunulat upang kanilang gisingin ang masa na inilagay ng mga dayuhan at kanilang mga lokal na kakampi sa kawalang kamuwangan hinggil sa tunay na ugat ng pagdurusa ng bayan, isang pagkalimot, na lalo pang pinaiigting ng pagsamba nila sa isang Kristo na ginawang matiisin at laging mapatawarin.
Kay Abiva “darating sa tamang panahon” ang tinatawag niyang si Juan Kristo na kikilalanin bilang (isang) Diyos “na mula sa kolektibo ng mga nahimasmasang alipin, isang Diyos na nakatindig sa putik, nagugutom, nauuhaw, dugyutin, nabilanggo, at handang mamamatay kasama ng mga magbubukid, manggagawa, ng mga rebelde”. (p. 12)
Ang istilo ng presentasyon ng panglimang koleksiyon ng mga tulang prosang ito ni Abiva ay mayaman sa pagamit ng simbolismo sa pamamagitan ng mga larawan na siningit sa pagitan ng mga tula, halimbawa’y ang putol sa dalawang bahagi na larawan ni Kristo nakapako, larawan ng estatwa ni David, Moses, Venus de Milo, larawan ng isang matandang puno ng akasya, nagbabagang apoy, at iba pa.
Ang mga tula ay hinati sa limang kapitulo na ang una ay pinamagatang “Sa Mga Ngalan”, ang pangalawa “Ng Mga Ina”, pangatlo “Ng Mga Ama” pagkatapos “Ng Mga Anak”, at ang huli “Ng Mga Ispirito at Mga Santo”, at ang bawat pahina ng mga kapitulo ay may kasamang imahen ng muling pagkabuhay ni Hesu Kristo.
Ito ay matalas na paggamit ng uyam tungkol sa relihiyon ng mga hipokritong Kristiyano na mababatid sa pagbasa ng karamihan ng mga tula sa bawat kapitulo. Gumamit din ang makata ng uyam sa ilang tula na sinulat bilang mga tugon sa mga manunulat sa Kanluran, gaya nina Yevgeny Yevtushenko at Bertolt Brecht, at may isa kay Senador Sotto. Mayroon ding isang uyam na ang pamagat ay “Kung Buhay Lang Sana si Archimedes” na tugon sa “Kahibangan ng ilan sa ating mga Kababayang Nangibang Bayan sa Singapore at Malaysia”.
Ang pananaw ng makata ay sosyal realismo, na pinaigting ng metodo ng suryalismo -ang pagamit ng mga kahindik-hindik na imahe, kagaya ng “pugot na ulo ng aso”, “pag-amoy sa abo ng mga patay”, at “itim na anghel” sa tulang Mortem- sa paglalahad niya ng mga pang-araw-araw na buhay at kamatayan na sinasapit ng mga ordinaryong mahihirap na Pilipino - tindera ng sitsaron at barbekyu, sapatero, bendor, pulubi, nagbebenta ng mga sampagita, puta, at iba pa.
Ang kaibahan ng sosyal realismo ni Abiva sa ilang taga-Kanluran kagaya nina Zola, Balzac, Gogol, at Steinbeck ay may malinaw na solusyon sa hinaharap ang Pilipinong makata upang wakasan ang pagdurusa ng mga api – ang rebolusyon.
Mas katumbas ang sosyal realismo ni Abiva sa Rusong Marxistang si Maxim Gorky, na sumali sa Rebolusyong Bolshevik sa Rusya noong 1917, at may-akda ng “ The Lower Depths”, “The Petty Bourgeoise”, at “The Mother”, mga salin sa Ingles mula sa Ruso at ilan sa mga sinulat niya. Sabi ni Gorky sa kanyang autobiograpiya na siya ay gradwado ng “Unibersidad ng Daigdig” sa pamamagitan ng pakikilahok niya sa pakikibaka ng masa ng Rusya at ibang bansa (at dahil hindi naman siya nakatapos ng kolehiyo).
Si Abiva ay mabibilang sa kakaunting progresibong makata sa ating bayan na hindi nag-aatubiling tumindig sa pagmumulat sa masang Pilipino para lumaban sa pamamagitan ng paglunsad ng himagsikan upang baguhin ang sistemang mapagsamantala. Sana lalong lumago ang kanyang tribo.
20 ng Enero 2020
Unibersidad ng Pilipinas
Maynila
***
Ito ang huling manuskritong kaniyang naupuan bago siyo yumao noong unang bugso ng Covid-19 sa Filipinas.
Comments
Post a Comment