Mula sa mga Editor ng RESEKO
Sa kasaysayan ng Nueva Ecija, mula 1975, ay patutunayan ng librong ito na hindi pa tuluyang naapula ang lagablab ng KAWIKA na itinatag ng magiting na nobelistang Lazaro “Ka Saro” Francisco. Hindi isang pagmamayabang na ihayag ngayon sa publiko na ang Samahang Lazaro Francisco ang nangungunang samahan ng mga manunulat sa lalawigan ng Nueva Ecija na may malinaw na tunguhin para sa wika at panitikang Filipino. Sabihin nang isa itong puristang pananaw ng ilan pero sinasabi ng kasaysayan sa wika at panitikan na ito ang dapat gawin ngayon kontra sa mga panganib ng labis na modernisasyon o postmodernismong pananaw sa wika at panitikan. Ano ang mga halimbawa nito? Tignan na lamang ang inabot ng wika at panitikan, rehiyunal/ lokal sa partikular, pagdating sa sinasabing intelektwalisasyon. Alam naming tumbok niyo na ang aming ibig sabihin.
Paano ngayon ang proseso ng pagsasalba? Palakasin ang kilusan sa wika at panitikan sa ibaba!
Ang mga tulang nagwagi, marahil, sa patimpalak na ito’y natumbok ang sentral na tema at tunguhin ng proyekto, buhay-bukid. Sa limang makatang nagawagi’y hindi na kailangan pang isa-isahin ang kanilang mayaman at masinsing pagtatala at pakikihamok sa buhay at karanasan ng komunidad na kinabibilangan nila. Mula sa lirikal na indayog ng mga tula ni Cristobal Alipio hanggang sa transgresibong mga tula ni Andyleen Feje [na pawang halos dikit ang laban] ay kakikitaan ng malaking potensiyal hinggil sa kung paano inaako ng makata ang kanyang gampanin sa kanyang panahon. Kakaiba naman ang istilo ni Rossite Ramilo sa pagsulat ng tula at ito’y ang minimal at modernistang paraan ng pag-uulit ng mga salita na pawang kalakha’y tinatanong ang madla. Hinubaran naman ni Jerwyn Labagnoy ang isang katotohanan hinggil sa buhay sa kanayunan at ito’y ang katawang nagtataglay pareho sa karnal at banal na kairalan. Detalye. Isa sa mga katangian ng malikhaing pagsulat. Dito malakas si Banjo Somera. Iginuhit niya sa ating harapan ang imahen ng isang bata sa aripet. Organiko halos ang limang makata mula lengguwaheng ginamit hanggang sa paraan ng pagtula [tradisyunal man o modernista], organiko pa rin.
Isang dakilang kabalintunaan naman ang atake at kritisismo ni Edmar Tigulo sa eksistensiyal na pag-iral ng tao sa mundo. Sa sentral na lunan ng mga kaganapan sa akda niyang Ragasa ng Kapalaran ay aywan at tila, subalit ito ang totoo, ang Pista ni San Juan Bautista ay naging pista ng dugo, at sa halip na pagsilang ng Bagong Tao ay hindi, kamatayan, dugo, laman, at kawalan ng hustisya ang nanaig. Sapat na ang linyang ito upang sabihing likas na hayop ang tao kontra sa kanyang kapwa sa sandaling siya’y gupuin ng labis na kagutuman. At sa inaalipusta, wala siyang ibang dapat gawin kundi ito “Unti-unting dumaan sa kanyang alaala ang kanyang mag-ina. Bumagsak siya sa lupa at humalo ang kanyang dugo at utak sa putikan. Ang huli niyang narinig ay ang malakas na tawanan, halakhak ng mga dimonyo na mas malakas pa sa kulog.” At sa pagwawakas ng obra, matapang na poetika ang mga ito na tila magpapaalaala rin sa atin na likas na makata ang mga manunulat sa kanayunan:
“Matapos makatikim ng talim ng bayoneta ang kanilang mga dila,” o
“Mag-aabot naman sila ng pisong kalabaw.”
Kasing-linaw ng bukal sa disyerto, ang oasis, ang obra ni Michael Angelo Santos na Santelmo. Sa unang pagbasa’y maaaring ang tinutumbok nito’y ang sugat sa katawang lupa ni Marco na maingat, ngunit masakit, na nililinis ni Lola Liling. O dili kaya’y sa laro nilang enkantadya na si Marco ri’y nagtataglay ng kapangyarihang apoy sa kanyang palad na kung tawagin niya’y santelmo subalit hindi pala. Anong husay nitong pinihit ni Michael na tila turnilyo o sapatilya ng gripo sa bukid patungong sosyal realismong tradisyon sa panitikan. Ang bola ng apoy na ito pala’y ang bagay na nakita’t sinita ng asong si Digong isang madaling araw sa tipak ng lupang saklaw ng mga magbubukid at obrero. Ang pagwawakas na ito’y sapat na upang tayo’y makumbinsi ng manunulat hinggil sa tunguhin ng kaniyang poetika, “Nahilam siya sa kumapal na usok na tinatangay ng hangin. Nagulat na lamang siya nang may humahagulgol sa kaniyang tabi. Ang kaniyang lola, yumuyugyog ang balikat. At muli niyang naramdaman ang pagkirot ng sugat.”
Tila panlipunang komentaryo naman ang bira ni Marilou Macapagal sa kanyang kuwentong Sapang Buhay. Sa literal na pagbasa’y sapa ito ng buhay pero maaari ring maging isa itong dakilang kabalintuaan. Ipinakita niya ang kanyang kahusayan sa tradisyunal na pamamaraan ng pagkatha ng maikling kuwento habang hindi isinasantabi ang committed na katangian dapat ng isang uri ng likhang panitikan. Maraming ipinakitang puna ang kanyang akda mula patronage politics, land use conversion, hanggang sa lantarang paggamit ng kapangyarihang politika makamit lamang ng ilan ang kanilang makasariling pagnanasa at pagnanais. Sa kabilang banda’y epektibo ang karakter ni Azon sa kadahilanang una’y kumilos siya para alamin ang katotohanan sa likod ng hindi maipaliwanag na kamatayan at pagkabaliw ng mga hayop at tao sa kanyang baryo, at ikalawa’y si Azon bilang kontra pyudal at machong oryentasyon ng pagiging isang babae sa lipunang Pilipino.
Tampok naman sa kuwentong Iping ni Arthur Allen Baldevarona ang mga karakter na sina Iping at Kokoy. Sa umpisa’y hihigupin tayo ng kuwento pabalik sa gunita ng ating kabataan na punung-puno ng pananabik pero sa kalagitnaa’y kakabigin tayo ng isang katotohanang hindi maiwawaglit: na ang tao’y likas na makasarili. Maayos niya itong nailatag sa pagsasabing, “Lahat ng ‘yan ang kumakatawan sa lahat ng tanim dito sa lupa. Sila ang nagbibigay sustansya sa bawat lugar kung saan may nakatanim na halaman. Kung dumating man ang araw na masira ang mga ito dahil sa mga sakunang dulot ng mga kalaban, wala na ni isang tanim dito sa lupa ang mamumunga. Wala ni isa.” Mula ito kay Tata Mato na nagbigay ng kapangyarihan [anting-anting] kay Iping kontra kay Sepe na anti-thesis ng kabutihan [ o ng modernidad kontra kanayunan]. Maglalaban sina Iping at Sepe sa huli [sa paraang epiko] subalit, gaya ng lahat ng tesis, ay tila hindi natuldukan ang kamatayan ni Sepe na para bang si Sepe nga ang mundo na ating ginagalawan. Kung gayo’y patunay lamang sa akdang ito ang malinaw na pagsasanib ng relihiyon at mistisismo tungong mapangakong kaligtasan.
Nostalgic naman ang atake ni Alvin Moga sa kanyang obrang Gintong Kahapon. Sa kanyang akda, ang kabukiran ay lunan din hindi lamang ng mga masasayang pangyayari sa buhay ng isang anak, ina, ama, lolo, at lola kundi lunan din ito ng mga danas na bagahe o pasanin sa pangkabuuang pag-iral ng isang magbubukid bilang isang tao. Mayaman sa talinghaga ang kanyang akda at hitik din ng kung hindi pagkasuklam ay alyenasyon sa bahagi ng magsasaka na matitisod sa kanyang pagwiwikang “Naaarok ko ang balon ng kanyang kalungkutan na bumubukal sa mga namumuong perlas sa kanyang paningin. Nauulinigan ko ang bawat dagundong ng kanyang pangingilabot na humihiyaw at humihibik sa pagdaing. Nalalanghap ko ang samyo ng panghihinayang at pagsisisi na tumatagos sa mapait na panlasang sinasaliwan ng paghihinagpis.”
Sa huling bahagi ng aklat na ito’y tampok din ang ilan sa mga sulating ang paksa’y buhay-bukid. Nawa’y makatulong din ang mga ito upang sa gayo’y matumbok nating lahat ang nais tunguhin ng aklat na ito.
Masabi ngang nagtagumpay ang Samahang Lazaro Francisco mula nang maitatag ito noong Hulyo 1, 2019 sa Siyudad ng Cabanatuan, Nueva Ecija bunsod ng kawalan ng anumang samahan ng mga manunulat na may tiyak na linya sa panitikan. Ano ang ibig naming sabibin? Isang samahan ng mga manunulat na may tiyak na tunguhing sosyo-politikal sa kadahilanang ang malikhaing pagsulat ay hindi isang anyo ng gawaing panlipunan na neutral gaya ng sa paniniwala ng ilang samahan. Ang paniniwalang ito, malamang sa malamang, ang isa sa maraming dahilan kung bakit ang wika at panitikan ng katutubong Tagalog, halimbawa, ay madaling nagapi at nahalinhan ng wikang Espanyol at Ingles. Higit na masakit ang hindi pagkakahirang sa wikang Filipino bilang wikang opisyal ng bansang Pilipinas. Nais naming linawin na hindi lamang pagkatuto sa balarila at ortograpiyang Filipino ang kailangan wika nga’y kaya itong matutunan ng sinumang nais mag-aral o magpakalubhasa sa wika at panitikan. Sa pananaw ng SLF, isang kilusan sa lokalidad para sa intelektwalisasyon sa wika at panitikan ang kailangan sa/ng ating panahon. Sa totoo’y napag-iiwanan tayo hindi lamang ng kosmopolitanismong tendensiya sa/ ng literatura sa loob at labas ng bansa. Marahil ay marami pa nga tayong dapat pag-aralan, basahin, at isulat.
Inaasahan naming kayang itulak ng mga tekstong naririto ang mga mambabasa upang higit na magtanong. Nasa kanila ang kasagutan. Wala sa amin. Nasa kanila ang musa. Wala sa amin. Sapagkat wala kaming manunulat kung wala sila.
Muli, isang masayang pagbabasa.
-Mga Editor
8 ng Pebrero, 2021
Siyudad ng Cabanatuan, Nueva Ecija
Comments
Post a Comment