PAGKILALA SA ISANG MAKABAYANG NOBELISTA ni Florinio Francisco

 


 

 

Una sa lahat ay bumabati ang pamilya ni Lázaro Francisco sa paglulunsad ng GASERA: WIKA ay LAYA  ng Samahang Lázaro Francisco sa pakikipagtulungan ng Cabanatuan Masonic Lodge No. 53.  Gaya ng pahayag ni G. R. B. Abiva, ang tagapagtatag at pangulo ng SLF, ang koleksiyong ito ay binubuo ng mga tulang tungkol sa wika at sa Filipino bilang pambansang wika.

Ang gasera ó lampara ay simbolo ng isang bagay na nagbibigay liwanag ó ilaw sa gitna ng kadiliman. Ang wika nga ng aming ama, “ Kung walang ilaw ay walang landas! “  Masasabing isa siya sa iilang  manunulat na nakisangkot sa kapakanan at mithiin ng bansa ng kanyang henerasyon. Sa udyok ng makatwirang pagkabahala , siya ay sumulat ng mga nobelang bumabatikos sa lahat halos ng mga kasamaang abot ng kanyang pandamdam at pagkaunawa. Ibinunyag niya ang kasamaan ng “tenancy system” sa nobelang AMA. Tinuligsa niya ang pagmamalabis at pagsasamantala ng mga namumuhunang dayuhan sa kanyang nobelang BAYANG NAGPATIWAKAL na nalathala noong 1931 at muli pang nalathala noong 1947 sa ilalim ng pamagat na ILAW SA HILAGA. Iminungkahi niya ang tahasang pagbubuwag sa “tenancy system” noong 1946 sa kanyang sanaysay na “ANG TATSULOK” na nagkamit ng unang gantimpala sa huling patimpalak sa sanaysay ng Pamahalaang-Komonwelt.


Sa pag-aalalang baka naging [tila lamang] mga pagaw na sigaw sa pader ang kanyang tuligsa at batikos sa “tenancy system”, para namang isang panata at krusada na walang kapagalang ipinagpatuloy niya ang kanyang mga ulós at puna hanggang masulat niya ang mga nobelang SUGAT NG ALAALA, MAGANDA PA ANG DAIGDIG, at DALUYONG. Sa mga nobelang ito, lalo na sa dalawang huli ay lalong naging tahás at mariin ang kanyang paninindigan  na dapat buwaging madali at ipagbawal sa buong bansa ang “tenancy system” at magkaroon ng reporma sa lupa. Dahil dito ay tinagurian siya ng di-iilang kritiko at kamanunulat na isang “visionary” at “social critic”.

Kabilang kami sa henerasyong iminulat sa kahalagahan ng mahusay na pagsulat at pagsasalita ng wikang Ingles higit kaysa ating sariling wika. Natatandaan ko na sa aming mga silid-paaralan ay nangaka-paskil ang mga poster na nagsasaad ng “Speak English” at kapag kami ay nahuling nagsasalita ng Tagalog ay kinakaliangang mag-fine kami

Ganyan tayong mga Filipino. Kaibang-kaiba tayo sa ating mga kapwa-Asyano. Madali tayong mapahanga ng isang kababayang magaling mag-Ingles, hindi ba? Gaya ng wika ng aking ama, ito raw ay isang palatandaan ng tinatawag na “mis-education” nating mga Filipino. Nuong hayskul kami, National Language ang tawag sa asignaturang Pilipino. Malaunan, pinalitan ito ng Wikang Pambansa. Ito ay isa sa mga pangunahing dahilan na nagbunsod sa aking ama na itatag ang Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino ( KAWIKA) nuong 1958. Ibig niyang mabigyan ng isang tiyák  na pangalan ang national language ng Pilipinas, isang wikang  madaling maging tulay ng pagkakaisa at pagkakasundo-sundo ng lahat ng tao sa Pilipinas. Ayon nga sa kanya , ang “ Wikang Pambansa” ay generic lamang at hindi pangalan ng isang wikang maihahambing halimbawa sa “ German” na wika ng Germany, “French” na wika ng France ó kaya’y “Chinese” na wika ng China.

Gaya ng inaasahan, naging malaganap nuong mga panahong iyon sa buong Pilipinas ang KAWIKA na itinatag ng aking ama sa Kabanatuan at mismong  sa aming tahanan sa Brgy. Bonifacio. Ang maituturing na ilan sa mahahalagang bunga ng kilusan ay ang pagsasa-Pilipino ng mga “ signage “  ó karatula ng mga paaralan at bahay-pamahalaan, pati sa mga lansangan at nang  malunan ay nanaog ang isang sirkular mula sa DECS nuong 1959 na nag-aatas na ang wikang pambansa ng Pilipinas  ay tawaging “ Pilipino” na malaon nga’y tinawag na “Filipino”. Naniniwala ang aking ama, noon pa man, na ang paggamit ng sariling wika ay siyang magiging malakas at mabisang katulong sa pagtuturo sa bansa ng kahalagahan ng proteksiyonismo at ng dalisay na nasyonalismo. Dito ay lagi niyang ibinibigay na halimbawa ang bansang Hapón at iba pang mauunlad na bansa na para-parang gumagamit ng kanilang sariling wika. Nuong 1979, iginawad sa kanya ng Ateneo de Manila University ang parangal na  TANGLAW NG LAHI  “ dahil sa pag-uukol ng kanyang buhay at kakayahan upang makamit ang Pilipinismo at pagka-Pilipino.”

Wika ng aking ama, “Alinmang lahing marunong gumalang at magpahalaga sa sarili ay hindi maaaring di-igalang at pahalagahan ng iba !” Hindi masamang matuto ng Ingles ó ano pa mang wika, ngunit dapat ay lagi nating isa-isip na mayroon tayong sariling wika na kasing-ganda at kasing-yaman ng kahit anong wika sa mundo. Hindi natin dapat ito ikahiya, bagkus ay dapat natin pagyamanin at ipagmalaki! Sa aking paglalakbay, namalas ko sa aking sarili kung gaano ang pagpapa-halagang ibinibigay ng mga banyaga sa kanilang wika. Sa Pransiya, lahat sila’y nagsasalita ng French, sa Italya, Italian, sa Alemanya, Alemán. Buong pagmamalaki silang nagsisipag-salita sa kani-kanilang sariling wika at bahala kang gumawa ng paraan upang maunawaan mo sila!  Di ba tayo ay dapat ganoon din?

Muli, taus-puso kaming bumabati sa pamunuan ng Samahang Lázaro Francisco at ng Cabanatuan Masonic Lodge #53. Binabati namin ang mga bagong dugô ng panitikang Filipino dito sa ating lalawigan. Umaasa kaming patuloy na maging isang inspirasyón sa inyong lahat ang mga simulaing mababakas sa lahat ng mga nobelang isinilang at pinagyaman ng kanyang panitik.  Saludo kami sa Samahang Lázaro Francisco at sa Cabanatuan Masonic Lodge #53 !

- FLORIÑO A. FRANCISCO, M.D.
Direktor, Museó Lázaro Francisco

Siyudad ng Cabanatuan, Nueva Ecija

Comments

Popular Posts