BAGONG LIBRONG DAPAT ABANGAN!



Nakatakdang ilabas ng Rebo Press Book Publishing ang nobeletang "Aripuen" ng surreal na makata at manunulat na si R. B. Abiva. Kabilang ang libro ni Abiva sa iilang napiling gawaran ng kauna-unahang Esperma Book Grant Award sa buong Filipinas. 

Ang nobelista ay premyadong manunulat at makata, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula, Agaw Agimat, Parnaso ng Isang Bilanggong Politikal, Po(e)(li)tika: Mga Tula, Kapatiran ng Bakal at Apoy, Mga Piling Maikling Kuwento at Dagli, Paltiing: Mga Piling Tulang Prosa, Parmata at iba pang Prosa Kontra-Hegemonya, at  Sardam: Mga Berso-de-Peligro, tagasalin, editor, musikero, pintor, at iskultor.  Nagkamit na rin siya ng Creative Writing Fellowship Grant gaya ng 58th UPNWW (Tula), LIRA Poetry Clinic, 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan at antolohiya sa loob ng Pilipinas, gaya ng Liwayway, Bannawag, Ani (Cultural Center of the Philippines), Diliman Review, Sentro ng Wikang Filipino, Kawing, at Luntian Journal ng De La Salle University, sa labas naman ng bansa’y nariyan ang The Loch Raven Review sa Maryland, USA. Kinilala na rin ng UP-Likhaan Poetry Slam (Grand Prize), Saniata Prize (2nd Prize), GUMIL-Oahu (Karangalang Banggit), Premio Gabriela (Finalist), at HR Online Philippines/ British Embassy-Manila (Readers’ Choice Award) ang kanyang husay sa pagtula.  Hinirang siya ng GUMIL- Filipinas, Bannawag Magazine, at NCCA bilang Pasnaan 9 Outstanding Fellow for Poetry. Noong 2019 ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco sa lalawigan ng Nueva Ecija. Siya ay aktibong kasapi at opisyal ng Order of the Knights of Rizal at Samahang Lazaro Francisco. Miyembro rin siya ng GUMIL- Filipinas, KATAGA, Concerned Artists of the Philippines, Kilometer 64 Writers Collective, at Philippine History Movement. Sa ngayon ay tinatapos niya ang kaniyang MA-Malikhaing Pagsulat sa UP-Diliman. Isinilang siya sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Siya’y anak ng namamasada ng traysikel na di kanya at manininda na inaalipusta. Inihalintulad siya ng yumaong nobelista, na si Dr. Ed Villegas ng UP, sa Rusong manunulat na si Maxim Gorky. Muling inilathala ng Ukiyoto Publishing, Canada ang kanyang librong Po(e)(li)tika: Mga Tula para sa internasyunal na sirkulasyon. Siya ay isang rehistradong awtor at manunulat.

Para magabayan ang publiko hinggil sa kung ano ang posibleng nilalaman ng aklat, narito ang palagay ng ilan sa mga kinikilalang kritikong pampanitikan sa bansa:

“Naglulugar siya nang hindi umaayon sa ilang mga batayan ng kinis para sa isang manunulat o kritikong akademiko, habang nagbabahagi ng mga tauhang sa maraming pagkakataon ay nagrerehistro sa pandama bilang mga totoong tao.  At baka naroon ang mahika, ang angkop na lente sa kung paano ito dapat basahin.”

-Prop.Vladimeir Gonzales

Unibersidad ng Pilipinas- Diliman

 

“Ihahain sa atin ang modernong bersiyon ng The Gulag Archipelago ni Alexander Solzhenitsyn.”

                        -Prop. Mark Angeles

                        Unibersidad ng Santo Tomas

 

“Sa aklat na ito, pinatunayan ni R.B. Abiva na hindi lamang siya isang makata kundi isa ring maipagkakapuring kuwentista. Masinsin ang kanyang paglalarawan sa masalimuot at komplikadong danas ng buhay-karsel. Masinop ang kanyang pagtatala; hindi pinalalampas ang maliliit na detalyeng lalong nagpapakulay sa kanyang hindi matatawarang paglalarawan. Ang kanyang mga kuwento ay ‘pagkalampag sa selda ng dugo at pighati’; ipinaramdam ang tensiyon ng pagtakas, nangangalampag ang karahasan, sumasambulat ang libog at dahas…balikwas-bilanggo ang hayag na larawang ipinagmamalaki ng librong ito.”

-Prop. Arlan M. Camba

Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas

 

“Gaya ng pagbalikwas ng mga bida sa loob ng kuwentong laman ng koleksiyon. Tila nagbibigay ng ideya ang manunulat sa mambabasa sa posibilidad ng bagong lipunang taliwas sa kinalakhang kural o kung ano mang uri ng koral ang ginagalawan ng bawat isa sa atin.”

-Instruktor Michael Angelo Santos

Central Luzon State University

 

“Iniisip ko kung kalabisan ba kung sabihing may ‘tradisyon’ na ng prison writing na maaaring kabilangan ng mga sulatin ni RBA. Naiisip ko ang mga sulatin ni Gramsci, o di kaya ni Solzhenitsyn.”- Ivan Emil Labayne

The Baguio Chronicle at Northern Dispatch Weekly

Narito naman ang krusyal na detalye ng aklat na mula sa pabliser:

Title: Aripuen: Isang Nobeleta
Genre: Surrealism
Author: R.B. Abiva
Book type: Softbound, Matte Cover
Paper Type: White Paper
Book Size: 6 inches × 9 inches
Number of Pages: 70 pages
Price: 255 PHP
Ilustrasyon ng pabalat ni R.B. Abiva
Layout ng pabalat at aklat ni Maria Kristelle Jimenez
 
 

Comments

Popular Posts