KALATAS: Digital na Pahayagan ng Order of the Knights of Rizal- Cabanatuan City Chapter, Unang Isyu- Hunyo 12, 2022
 

PAHAYAG NG ORDER OF THE KNIGHTS OF RIZAL- CABANATUAN CITY CHAPTER SA IKA- 124 TAON NG PAGGUNITA SA ARAW NG KALAYAAN NG REPUBLIKA NG FILIPINAS

"I want to show to those who deprive people the right to love of country, that when we know how to sacrifice ourselves for our duties and convictions, death does not matter if one dies for that one love—for his country and for others dear to him."- Dr. Jose P. Rizal

Ngayong araw, Hunyo 12 ng taong kasalukuyan, ay ating ginugunita ang araw kung saan ang ating bandila ay naging sing laya ng ibon, tubig, at hangin. Taong 1898 nang mangyari ito sa bayan ng Kawit, Cavite at nangangahulugan sa tuluyan nating paglaya mula sa kuko ng mga Kastila na lumupig sa lahing kayumanggi sa loob ng humigit-kumulang 300 taon. Pero, hindi rito nagtatapos ang pangangailangang ipagtanggol ang kalayaan natin bilang Tao at bayan. Dumating ang mga bagong mananakop, dala ang bagong estilo at metodo, ang mga Amerikano at Hapon at muli, ating pinatunayan na kinakailangan ng mataas na sakripisyo upang sa gayo’y matamasa ng bawat nilalang ang matamis at grandiyosong pangako ng kalayaan.

At ngayon nga’y muling nahaharap ang buong mundo sa iba’t ibang anyo ng tiraniya at pang-aalipin, nawa’y gaya ni Dr. Rizal, mag-alab sa ating diwa at puso ang pagmamahal sa kalayaan sapagkat sa puntong ito lamang tayo natatawag at matatawag bilang Tao at bayan. Hindi pa tapos ang mga mithiin ng mga nauna nang nag-alay ng panahon, talino, pawis, luha, at dugo. Oo, silang magigiting at dakila nating mga kalahing kayumanggi pagkat hanggat may pang-aalipin ay muli nila tayong pinaaalalahanang kailangang ipagtanggol ang kalayaan ano’t ano pa man at kahit sa paanong paraan.

Amin ding inaanyayahan ang publiko na makiisa sa isang simpleng seremonya, kasama ang Boy Scout of the Philippines- Cabanatuan City at Nueva Ecija Odd Fellows Lodge No. 38 ng Independent Order of Odd Fellows, sa mga sumusunod:

New Plaza Lucero Park (tapat ng SNT Cathedral) – 7:30 ng umaga

Monument of World War 2 Heroes and Martyrs (Freedom Park)- 8:30 ng umaga

Muli, sampu ng aming magigiting na kabalyero ni Rizal ay kaisa ng buong bayang Filipinas at mundo sa paggunita sa Araw ng Kalayaan. Sa isip, sa salita, at sa gawa! Non omnis moriar!

(sgd)

Sir R.B. Abiva, KCR

Commander

Order of the Knights of Rizal

Cabanatuan City Chapter

Nueva Ecija

Republika ng Filipinas



Comments

Popular Posts