Source: https://saranggola.org/#/pages/login#notloggedin
BUKANG-LIWAYWAY
at iba pang tula
Rene Boy
E. Abiva
BUKANG-LIWAYWAY
Hala, oo, halika na at iyong punitin
Itong buntot ng panaginip:
Na hindi totoo ang eternidad
Kung madidinig ang tilaok ng bagong gising na tandang.
Hindi ko alam kung bakit sa tuwing ikaw ay isinisilang
Ay napupunit ang mga dibdib at natutuyo ang mga mata-
Tinanong ko minsan ang mga magbubukid at sakada,
“Hindi kayang gamutin ng bagoong at tutong
Ang moda at awit ng aming pagkaalipin,” sagot nila.
Bigyan mo ng laman ang mga salita
At binyagan ang mga misteryo
Sa talim ng dugo at hininga:
Dahil ikaw ang pintuan ng santuwaryo
Ng una at huling alaala.
A mauulit, puno ng lakas at pagsubok.
Hayaan mong ang iyong mga silahis
Ay ihalo sa tutong na winisikan
Ng asin at binasbasan ng mantika-
Nang sa gayo’y ang aking sikmura
Ay di na malilinlang ng mga ligaw na manghuhula.
____________________________
*Lahok sa Saranggola Blog Awards 12
MULTO AT ABO NG TAYUG
Isla ng Hawaii: ako’y ’sang sakáda
nang aking nakita sa asukaréra
ang Santa Iglesia na ubod ng píta’t
aywan at ang tabas nahugot pagdáka.
Tag-araw sa Tayug: balot sa bangúngot
at nangangarilang na tuyong talúlot;
ilang buwan na ring ang kampit at gúlok
ay di napatakan, ni di naigáod.
Sumapit ang gabi: payapa ang lángit
nang aking mapansin, santelmo sa búkid;
nang ako’y tatayo, bumulong ’sang tínig,
“Pedro, di nagmaliw ang apoy sa bísig.”
Bisperas ng abo: may isang pulutóng
sa bahay na bato na may latang bubóng,
“Magmatyag, hintayin ang tuyong alulóng
saka natin dakpin ang uring ulupóng!”
Nagwala’t sumalpok ang sangkawang tuksó
nagsayaw ang dahon ng paaning tubó;
lasa ng amiha’y pawang sa ’sang apdó’t
sumundot sa ilong ang sunog na butó.
______________________________
*Lahok sa Saranggola Blog Awards 12
KARIT
Ako ay binunot sa dingding
Ng palad na singlamig ng libingan.
Sa salamisim niya, nagniniig
Ang kapusukan at pagnanais
Na gayatin ang leeg ng Promiteyo:
Naagnas nang tuluyan ang romansa ng pagtitiis!
Yuko na ang suhay ng palay;
Agnas na ang mga dahon ng aratiles;
At siya na lamang ang malaya?
Wari akong ibinulid sa lalamunan ng hurno.
Nakakapaso ang pagdila at paghulagpos
Ng napiit na tadhana habang ang bálong
Magpapatupad ng hatol ay dayaming
Nakahandang maging abo!
Panahon ng giikan at oras nang bayaran
Ng utang. Pawang nakaumang
Na patibong ang mahabang listahan
Ng interes ng pautang nang tila napigtas
Na bagting na umasalto ang ginang.
Nagsilbing hawla ng pagtutuos
Ang muralya ng mga katawang
Bininyagan sa pawis!
Ako’y itinarak nang walang-awa
Sa makunat niyang puso:
Lumalaban ang kaniyang lakas,
Nanginginig ang kaniyang tibok,
Hanggang sa bumaliktad ang kaniyang mata
At bumulwak sa kaniyang bunganga
Ang huling bukal ng dugo.
Sa bawat pagdiin ng kamao,
Na magaspang at kulubot,
Ay tila pinipigilan nito ang dila
Na bumigkas ni ng dasal.
At nag-umpisang gumuho ang arkipelago
Ng mga ulap nang lisanin
Siya ng init na siya namang hudyat
Ng paglaya ng kulay lupang kawan.
______________________________
*Lahok sa Saranggola Blog Awards 12
#SaranggolaBlogAwards12 #SBA12 #Tula #Panitikan #CCP #DMCI
Source: https://dmcicorpsales.com/?fbclid=IwAR0UMNh-4ckfQKmhNNZgd2z0POKhlK5OyvtViIbO3v-ylzJTy1C2ngSCSHc
Source: https://culturalcenter.gov.ph/?fbclid=IwAR1DsQmYg6dNcbmOzw6szj-vaIgMcJ0bj4wb4ueStHcGitL_y6iat1GqBI8
Comments
Post a Comment